Mga negosyo apektado ng pangamba sa African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang negosyo sa mga lungsod at probinsiya ang nasapul ng mga pangamba na mayroon ng African swine fever (ASF) sa ilang bahagi ng Luzon at Metro Manila.

Kasunod ito ng mga ulat na patuloy pa ring namamatay ang mga baboy sa Rizal at Quezon City bunsod ng ASF.

Sa Cogeo Market sa Antipolo, mababa na ang demand sa karneng baboy, ayon sa mga nagtitinda.

Limang kinatay na baboy na lang ang ino-order ng meat vendor na si Zaldy Gonzales sa halip na walo. Nabawasan daw kasi ng 75 porsiyento ang mga namimili matapos ang mga ulat ng mga patay na baboy dulot ng ASF.

"Minsan 'yung iba pihikan bumili ng baboy. 75 porsiyento, malaki nabawas (sa mga namimili). Apektado rin kami, kaunti katay," ani Gonzales.

Napilitan din ang ilang tindero ng baboy sa palengke ng Marikina na ibaba ang presyo ng kanilang paninda para mabili ito.

Aabot na lang sa P180 ang kada kilo ng baboy mula P185; at ang P230 kada kilo ng liempo, naging P210 kada kilo na ngayon.

Pihikang bumili ng baboy ang ilang mamimili, gaya ni Merly Agora, na tinitingnan muna kung saan kinukuha ng mga tindera ang mga baboy.

"Tinitignan ko po muna kung dumaan sa slaughter house. Nakakasigurado po ako doon," ani Agora.

Pero si Rodrigo Paras, nagpasyang bumili ng manok at bangus sa halip na baboy para makasigurado.

Nagpapakita naman daw ng inspection certificate ang mga meat vendor kapag may duda ang mga mamimili sa paninda nila.

May iilang nagbebenta naman ng pagkain na hindi ganoong naapektuhan, gaya ng barbecue vendor na si Erlinda Asis na namuhunan sa tiwala ng kaniyang mga suki.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero sapul naman ang litsunan ni Orlan Pangindian sa Bulacan na nabawasan ang kustomer.

May ilan pa raw na nagkansela ng kanilang reservation sa takot, ani Pangindian.

"Dahil nga po diyan sa napapabalitang African swine fever... Binawi nila ang deposit dahil natatakot," ani Pangindian.

Kilala ang Bulacan sa masagana nitong hog industry kaya babantayan ng lokal na pamahalaan ang mga katayan at bilihan laban sa ASF, ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando.

Binalaan din ni Fernando ang mga magtatapon ng baboy sa mga tubigan.

Nagsasagawa naman ng training ang lokal na pamahalaan sa mga hog raiser kung paano maprotektahan ang kanilang mga babuyan.

Umaasa ang ilang negosyante na mananaig pa rin ang tiwala ng kanilang mga suki.

Ayon kay Rosendo So, pinuno ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura, apektado rin ang industriya ng mais at bigas sa pagbagsak ng bentahan sa baboy.

Aabot daw kasi sa 60 porsiyento ng naaaning mais ay napupunta sa pagkain ng mga baboy.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim ng Department of Agriculture sa quarantine ang ilang lugar sa Central Luzon at sa labas ng Metro Manila na lumalabas na positibo sa ASF.

Ayaw munang banggitin ng DA ang mga apektadong lugar.

Ipasusuri naman ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang water sample ng ilog kung saan natagpuang patay ang higit 50 baboy. Ipapatupad din ang "no-physical contact" sa pagpapalibing ng mga ito.

Pananagutin din ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang mga magtatapon ng baboy sa katubigan, lalo't labag ito sa batas.


-- Ulat nina Kevin Manalo, Isay Reyes, at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.