African swine fever sanhi ng pagkamatay ng mga baboy

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 12:46 PM | Updated as of Sep 09 2019 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nagpositibo sa African swine fever (ASF) ang blood samples ng ilang namatay na baboy sa bansa, sabi ngayong Lunes ni Agriculture Secretary William Dar.

Sa 20 blood samples ng mga namatay na baboy mula Rizal at Bulacan na ipinadala sa United Kingdom (UK), 14 ay nagpositibo sa ASF, sabi ni Dar sa isang press conference.

Sa ngayon, hinihintay pa raw ng DA ang resulta ng isa pang laboratory test mula UK para malaman kung gaano ka-viral ang dumapong virus sa mga baboy na naging sanhi ng ASF.

Tiniyak ni Dar na nakontrol na ang virus bago pa man ito kumalat sa ibang mga lugar.

Bunsod nito, ipinag-utos ng DA Crisis Management Task Force ang mahigpit na pagpapatupad ng "1-7-10" protocol.

Sa ilalim ng protocol, may quarantine checkpoints, at pinapatay ang mga baboy sa loob ng isang kilometrong radius ng mga lugar, at agad inililibing.

Sinu-surveillance o binabantayan naman ang lahat ng babuyan kung may impeksiyon sa loob ng 7 kilometrong radius.

Ipinag-uutos naman ang agarang pag-ulat kung may kakaibang pagkamatay ng mga baboy sa 10 kilometrong radius.

Sa kabila ng kaso ng ASF sa bansa, tiniyak ng DA at Department of Health (DOH) na ligtas pa rin ang pagkain ng karneng baboy.

Sinabi rin ng DA na maglalaan sila ng pondo para mamigay ng biik sa mga magbababoy pero hinihintay munang lumipas ang isang buwan para matiyak na wala nang virus.

Iginiit din ng DOH na hindi nakahahawa sa tao ang ASF.

Kumpiyansa naman ang Malacañang na kahit nakapasok ang ASF sa bansa ay makokontrol ito ng DA.

Tiniyak naman ni Rosendo So, pangulo ng agriculture group na Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), na walang magiging problema sa suplay at presyo ng baboy sa merkado.

-- Ulat nina April Rafales at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.