Bilang ng mga namamatay na baboy tumaas, ayon sa Agri chief

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 04:48 PM | Updated as of Aug 19 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Tumaas ang bilang ng mga namamatay na alagang baboy sa maliliit na babuyan, sabi ngayong Lunes ni acting Agriculture Secretary William Dar.

Base raw ito sa ulat na natanggap noong Biyernes ni Dar mula sa Bureau of Animal Industry (BAI).

Ayon kay Dar, inatasan na ang BAI para magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng mga baboy.

"We have directed the BAI to conduct further confirmatory lab test, including sending blood samples to international laboratories," ani Dar. 

Tumanggi si Dar na magbigay ng partikular na bilang o sabihin ang mga lugar kung saan naiulat ang mga pagkamatay.

"We are on top of the situation and we are doing everything possible. We have upgraded our vigilance. We call on all hog raisers, backyard operators to employ safety measures," ani Dar. 

Tumanggi rin si Dar na ibahagi ang mga sintomas na nakita sa mga baboy at kung ano ang posibleng sakit na naging sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Umapela si Dar sa mga nagbebenta ng baboy na huwag "samantalahin itong sitwasyon."

Maliit lang daw ang porsiyento ng mga apektadong babuyan kaya walang dapat ikabahala sa presyo o suplay ng karneng baboy.

"'Yong industry assures us enough supply," dagdag niya.

Ilan sa karaniwang sakit ng baboy ay hog cholera, foot and mouth disease, at African swine fever (ASF).

Simula Agosto 2018, ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng karneng baboy mula sa mga bansang apektado ng ASF.

Pina-recall na rin ang mga processed pork product sa mga bansang tinamaan ng ASF.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.