'Mga trabaho sa BPO industry, in demand pa rin'

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 07:05 PM | Updated as of Jul 15 2018 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng pag-usbong ng artificial intelligence at isyu ng internet connectivity sa bansa, kampante ang mga manggagawa sa sektor ng business process outsourcing (BPO) na mananatiling matatag ang kanilang industriya.

Nananatili umanong "in demand" o matataas ang pangangailangan para sa mga empleyado sa BPO industry.

"We are still a priority kasi number one, mas mura 'yong labor sa 'tin," sabi ni Rex Aguilar, vice president for corporate and communications strategy ng BPO Workers Association of the Philippines.

"Our workers here are one of the best in terms of communication skills," ani Aguilar.

Hawak ng Pilipinas ang 13 porsiyento ng kabuuang global BPO market, ayon sa Asian Development Bank (ADB). 

Katumbas umano ito ng 1.2 milyong direktang trabaho sa BPO industry.

Target pa itong maitaas ng gobyerno sa 1.8 milyong trabaho hanggang sa 2022, ayon sa Information Technology and Business Process Association of the Philippines. 

Kaya ipinapayo ni Aguilar sa mga nais pumasok sa BPO industry na palawakin ang kanilang kakayahang pangkomunikasyon at kakayahang makisama sa ibang tao.

"I-train 'yong sarili mo not just on communication skills but also on how to do interpersonal skills or 'yong services na kailangan mong matutunan," ani Aguilar.

Kuwento ni Leonah Magalona, na nagsimula sa BPO company bilang customer service representative, bagaman hindi madali ang kanilang trabaho, marami namang binibigay na pagsasanay ang mga kompanya.

"Ang maganda kasi sa call center, we have training, ita-try nila i-provide sa 'yo lahat," ani Magalona.

Mahalaga naman daw ang bawat oras ng trabaho sa BPO, ayon sa operations supervisor na si Dax Larios.

"Some BPO companies 'pag sinabing overtime, we're not talking about pesos, we're talking about dollars," aniya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.