Pagtaas ng SRP sa karneng baboy bunga ng limitadong supply - DA

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 01:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ipinaliwanag ng Department of Agriculture Miyerkoles na ang pagtaas ng suggested retail price ng karneng baboy sa pamilihan ay bunga ng kakulangan sa suplay sa gitna ng African Swine Fever na nagresulta sa culling ng mga apektadong hayop.

“Ito po ay dahilan sa tumaas din ang farm gate prices ng ating mga baboy mula sa paghinahango doon sa farm at dahil din ito sa resulta ng ASF (African Swine Fever) kasi nag-cull tayo ng mga maysakit noon,” sabi nI Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes. 

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Reyes na dahil sa ASF, nabawasan ang populasyon ng mga baboy at ang pagpapalaki sa mga ito ay umaabot nang 5 hanggang 6 na buwan kaya kaunti na lamang ang natira. 

“'Yung commercial, tuloy-tuloy naman hindi naman sila masyadong naapektuhan ‘di kagaya ng backyard raising,” sabi niya. 

Sa ngayon, nasa P230 ang kada kilo ng kasim mula P190 kada kilo. Nasa P250 kada kilo naman ang SRP ng pork liempo mula P225 kada kilo. 
 
“Tama lang para sa ating nag-aalaga ng baboy. Hanapin lang nila 'yung stamp o seal ng National Meat Inspection Service para sigurado tayong malinis at hygienic ang ating mga baboy,” dagdag niya. 

Samantala, tiniyak din niya na wala pa sa bansa ang nababalitang swine flu na galing sa China. 

“Doon lang po 'yun sa kanila,” sabi ni Reyes. 

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-iingat ng departamento laban sa posibleng ilegal na pag-angkat ng mga karneng baboy mula sa ibang bansa. 
 
“Again, mula pa noong isang taon po bawal na pong mag-import ng kahit anong baboy, meat products, processed mula sa Tsina at sa mga ASF-affected countries. Kung may nakakalusot po, kinukumpiska,” saad niya. 

Hinimok din niya ang mga trader na huwag mag-singit sa kanilang mga ini-import na mga produkto.