ERC iniimbestigahan ang mga reklamo sa electric bill shock

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 05:24 PM | Updated as of Jul 07 2020 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang hindi pagtupad ng Meralco at iba pang electric cooperative sa pangako nilang pagbibigay ng detalyadong monthly bill sa kanilang mga kostumer.

Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera, pinagpapaliwanag na nila ang distribution utilities o electric cooperatives kung bakit hindi sinunod ang pangako para sa detalyadong bill.

"Tayo po ay very specific that we required that the installment must be covered by a separate bill, dapat ho kitang-kita ng tao," sabi ngayong Lunes ni Devanadera sa pagdinig sa Senado.

Umabot sa 47,000 ang reklamong natatanggap ng ERC tungkol sa mataas na bayarin sa kuryente, ayon kay Devanadera.

Sa parehong pagdinig, humingi rin ng paumanhin ang Meralco sa hindi detalyadong monthly bill na ikinalito ng maraming kostumer.

"Let me apologize for the continuing inconvenience regarding to our customers brought about their concerns and issues regarding this billing matter," ani Meralco President and Chief Executive Officer Ray Espinosa.

"[We're] hiring more people as call center agent, deploying more people to respond to emails," ani Espinosa.

Nangako rin ang Meralco na ibabalik ang sobrang naibayad ng kostumer.

"Agad-agad nilang puwedeng makuha sa Meralco. Ang kailangan lang nilang gawin ay pumunta sa kahit anong business office ng Meralco, ipakita po nila ang kanilang proof of payment," ani Espinosa. 

Isang buwan mula ngayon, personalized at detalyado na umano ang monthly bill na ipadadala ng Meralco para mas maintindihan ng mga kostumer.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.