Mga reklamo sa lumobong water bill puwedeng idulog sa MWSS

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 07:25 PM | Updated as of Jul 02 2020 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ngayong Huwebes ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na maaaring dumulog sa kanilang tanggapan ang mga gustong magreklamo tungkol sa mga lumobong water bill.

Ito ay sa gitna ng unti-unting dumaraming reklamo matapos ipamigay ng Maynilad at Manila Water ang June bill ng kanilang mga kostumer.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, puwedeng dumiretso sa kanila ang mga kostumer na hindi kuntento sa paliwanag ng Maynilad o Manila Water sa singil sa tubig.

"Kami po ay handa po i-entertain ang queries at concerns nila... Puwede po kami i-contact sa aming Facebook or Twitter account, or puwede ring kaming i-email, nasa website po namin 'yan," ani Ty.

Pero ayon sa Maynilad at Manila Water, handa rin humarap ang kanilang mga tauhan sa mga kostumer na may reklamo sa water bill.

"Ang gusto ng mga kostumer natin, physically nakikita nila 'yong kausap nila at naituturo nila 'yong binayaran nila, gusto nila ipakita 'yong dati nilang resibo... hindi naman natin sila pipigilan," ani Maynilad Spokesperson Zmel Grabillo.

Ayon din sa Manila Water, handa silang imbestigahan ang reklamo ng mga kostumer.

"Muling babasahin 'yong reading para malaman natin kung tama ba 'yong reading o baka naman nagkamali 'yong meter reader," sabi naman ni Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla.

Pinag-aaralan din ng MWSS kung posibleng i-extend ang deadline ng pagbabayad ng naipong bill.

Nauna nang sinabi ng parehong concessionaire na may hanggang July 31 para bayaran nang pautay-utay ang bill noong lockdown para sa mga komukonsumo ng lagpas 10 cubic meters kada buwan.

Ang mga lifeline user naman, o iyong hanggang 10 cubic meters ang konsumo kada buwan, ay may hanggang Agosto 31 para mabayaran ang bill, na puwede ring utay-utay. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.