Posibleng taas-presyo sa tinapay, tatalakayin ng ilang may-ari ng panaderya

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 09:27 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umaalma na ang mga panadero sa pagmahal ng asukal at iba pang sangkap sa paggawa ng tinapay at pastries.

Aminado ang Sugar Regulatory Administration na nagtaas ang presyo ng asukal sa merkado dahil mababa ang produksiyon ng asukal sa bansa.

Naglalaro sa P46 hanggang P54 ang presyo ng kada kilo ng brown sugar.

Nasa P64 naman ang kada kilo ng refined sugar.

Problemado ang ilang may-ari ng panaderya sa pagtaas ng asukal dahil sinabayan din ito ng pagtaas ng presyo ng ibang sangkap sa paggawa ng tinapay at pastry gaya ng powdered milk, margarine, butter, yeast o pampaalsa, at LPG.

Hindi pa naman gumagalaw ang presyo ng harina na nasa P700 ang kada sako para sa first-class flour at P900 naman ang sako ng all-purpose flour.

Pipilitin ng mga bakery owner na manatili sa P35 kada pack ang presyo ng Pinoy tasty habang P21.50 naman ang Pinoy pandesal.

Gayunman, pag-uusapan na nila ang posibilidad ng pagtataas ng presyo ng iba pang klase ng tinapay.

Bahagyang nagtaas na rin ng presyo ng pastries ang ilang bakery owner tulad ni Luis Chavez.

Ani Chavez, di kasi tulad ng karaniwang tinapay, mas maraming asukal ang pastries kaya kailangang sabayan nito ang pagtaas ng presyo ng asukal.

Sabi naman ng iba pang bakery owner, malaking sakripisyo para sa kanila na hindi muna magtaas ng presyo ng tinapay.

Gayunman, umaasa silang makatutulong ito sa patuloy na pagtangkilik ng mga bumibili ng kanilang produkto.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.