Presyo ng bilihin, 'stable' pa rin: DTI

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 10:50 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na "stable," o hindi maituturing na mabilis mabago, ang presyo ng ilang pangunahing bilihin kahit pa idinadaing na ng ilang konsumer ang pagsipa ng presyo ng mga produkto. 

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, bukod sa presyo ng asukal, nananatiling stable ang presyuhan ng bilihin nitong mga nakaraang buwan dahil sa kompetisyon.

"There are so many brands, nag-aaway-away 'yan... and they would like to be the last one to increase their prices," ani Lopez.

Batay naman sa datos na nakuha ng grupong Laban Konsyumer, mula Disyembre 2017 ay nasa tatlo hanggang 11 porsiyento ang itinaas ng presyo ng sardinas.

Katumbas ito ng P0.40 hanggang P1.40 na taas-presyo kada lata. 

Hanggang 32 porsiyento naman ang iminahal o katumbas ng P0.75 hanggang P8.70 ang taas-presyo sa kada lata ng de-latang karne gaya ng corned beed, meat loaf, at luncheon meat.

Ramdam ito ng ilang regular na mamimili tulad nina Nena Cerveza at Eflida Ablay.

"Ang hirap mag-budget, talagang matinding stretching ng pera. Kaya 'pag nag-grocery ka, hanapin mo talaga 'yong murang presyo," ani Cerveza.

"Rendahan nila ang presyo... [para] sa mahihirap," ani Ablay na isang senior citizen na at naghahanap ng tingi para umakma sa kaniyang budget ang mga kailangang bilhin.

"Hindi alam ng tao, as of June 8, halos lahat doon sa listahan na'yon [SRP list] nagtaas na," ani Atty. Vic Dimagiba, presidente ng Laban Konsyumer.

Nais ng Laban Konsyumer na damihan pa ng DTI ang mga brand ng produktong saklaw ng suggested retail price (SRP).

Halimbawa kasi, hindi lahat ng brands ng sardinas at karneng de lata ay sakop ng SRP.

Katunayan, maraming kilalang brand nito ang lagpas sa SRP ang presyo.

Mga murang brand lang kasi ng de-lata ang pasok sa monitoring ng DTI.

Pitong brand nga lang ng sardinas ang nasa SRP list ng DTI.

"Ang dami na pong produkto [sa] supermarket, grocery, e wala naman pong SRP 'yon," ani Dimagiba.

"As long as there are brands na may option si consumer na bumili ng brand at available 'yong mura na yun, I mean it's good for the consumers already," ani Lopez.

Nauna nang ipinanukala ni Lopez sa Department of Agriculture na lagyan din ng SRP ang isda, baboy, manok at gulay. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.