Sobrang singil ng Meralco, tiniyak na maibabalik sa mga konsumer

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:55 PM | Updated as of May 27 2020 08:13 PM

Tiniyak ng Meralco na maibabalik sa kanilang mga consumer ang sobrang singil sa kanilang mga bill ngayong Mayo.

MAYNILA - Siniguro ng Meralco sa House Committee on Energy nitong Miyerkoles na maibabalik sa kanilang mga konsumer ang sobrang singil sa kanilang mga bill ngayong Mayo.

Ito ang pangunahing naging mga tanong ng mga mambabatas lalo na’t ito rin ang itinatanong sa kanila ng mga constituents kaugnay sa biglaang pagtaas ng singil sa kuryente nitong panahon ng COVID-19 quarantine.

Sa isang virtual hearing, tinanong ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy ang Meralco kung makukuha ba nang buo ng mga konsumer ang sobrang singil kung nakapagbayad na para sa pinakahuling bill. 

Tugon ni Meralco Vice President and Corporate Business Group Head Victor Genuino, maaaring ma-refund nang buo ang sobrang singil sa lahat ng Meralco business center.

Puwede rin aniyang ma-credit o ibawas sa kanilang bill sa susunod na billing cycle para sa Hunyo ang sobrang naibayad.

Ayon pa sa Meralco, para doon sa mga konsumer na hindi pa nakakapagbayad, maaari nilang hintayin ang susunod na electricity bill upang makita ang actual rate at actual electric consumption.

Lumabas din sa pagdinig kanina na nasa 65 percent pa lamang ng mga subscriber ngayon ang nababasa ang kanilang mga metro.

Posible rin anilang naipon ang meter reading noong Marso at Abril dahilan kaya naisama sa bill ngayong Mayo.

Hindi na rin daw mababalikan ang meter reading nitong mga nakalipas na buwan sa ilalim ng enhanced community quarantine.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.