Mga negosyo, kabuhayan apektado ng water interruption

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 06:25 PM | Updated as of Mar 12 2019 08:10 PM

Dahil sa shortage sa tubig, kinailangan pang bumili ng mga plastic container ang isang karinderya sa Mandaluyong City para hindi na kailangang maghugas ng pinggan. Screengrab

Umaaray ang ilang negosyo at kabuhayan sa kabi-kabilang water interruption ng Manila Water sa Kamaynilaan nitong mga nakaraang araw. 

Dahil dito, kani-kaniyang diskarte ang mga negosyante para makatipid sa tubig. 

Ayon sa waitress na si Justine Mae Estrella, kinailangang magsara ng apat na araw ng kanilang kainan sa Mandaluyong sa kawalan ng tubig. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang buksan muli ang kainan ay kinailangan pa nilang singilin ang mga customer ng dagdag na P10 kada order sapagkat sa microwaveable plastic container na lang inihahain ang kanilang putahe para maiwasan nang maghugas ng pinggan. 

Aabot sa P30,000 ang lugi nila sa pagsasara ng kainan. 

"Minsan po may nagagalit umaalis na lang,” kuwento ni Estrella. 

Tambak naman sa labada ang mga customer sa isang laundry shop sa Mandaluyong, na nawalan na umano ng 15,000 kita sa kawalan ng tubig. 

Nalugi naman ng P50,000 ang isang carwash sapagkat limang araw silang nagsara bunsod ng water interruption. 

"Ang daming suki nito wala. Hindi naman kami makakuha sa bombero kasi magagalit mga tao,” ani Nadia Lauresta, bantay ng car wash. 

Sa mga bombero kumukuha ng pansamantalang suplay ng tubig ang mga residente. Tuwing dumaraan sila ay nagkukumahog ang mga residente sa kagustuhang makakuha ng tubig. 

Dahil sa taas ng demand ay inaabot mula alas-6 ng umaga hanggang madaling araw ang pagrarasyon nila ng tubig. 

Bukod pa rito ay nauubos ang rasyon ng tubig sa loob ng isang oras sa dami ng pumipila, bagay na nagreresulta sa pag-init ng ulo ng ilang residente. 

Nakaantala na rin ito sa pamumuhay ng ilan, gaya ni Rowena Nantes na ilang araw nang hindi nakakapasok sa trabaho sa pagpila para sa panligo ng kaniyang mga anak. 

"Saka na 'yung trabaho kasi kailangang tutukan ito, hindi makakapasok mga bata," aniya. 

Ayon naman sa Manila Water, 27 na water tanker ang ipinakalat nila sa Kamaynilaan para magrasyon ng tubig. Walo ang nakatutok sa Mandaluyong City na matinding naapektuhan ng water supply interruption.

Sa kabila nito, may ilang nangangamba lalo't paparating pa lang ang tag-init na inaabot ng ilang buwan. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.