Libreng pagsasanay sa urban farming alok ng isang gov't agency

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 03:40 PM | Updated as of Feb 16 2020 06:30 PM

Sa kaniyang inuupuahang apartment gumagawa si Bhing Ruado ng mga binhi ng kabute, na ibinebenta niya online. Kumikita siya ng hindi bababa sa P30,000 kada buwan. Screengrab

MAYNILA — Dating nagtatrabaho bilang security guard si Bhing Ruado at hindi umano niya inakalang sa trabahong iyon niya matutuklasan ang kaniyang interes sa kabute o mushroom.

“Doon ko nakita ‘yong fruiting bag na tumutubo ‘yong kabute, na-amaze ako doon,” kuwento ni Ruado sa panayam ng ABS-CBN News.

Matapos ang isang dekada ng pagiging guwardiya, namasukan si Ruado sa isang mushroom farm, kung saan sumali siya sa isang seminar sa pagtatanim.

Kalaunan ay nagkaroon ng lakas ng loob si Ruado na magtayo ng sariling hanapbuhay.

Sa kaniyang inuupahang apartment gumagawa si Ruado ng mga binhi ng kabute, na ibinebenta niya online. Kumikita siya ng hindi bababa sa P30,000 kada buwan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Ruado, malaki ang naitulong ng kaniyang negosyo ng kabute para maitaguyod niya ang kaniyang pamilya.

“Nai-survive ko ‘yong pamilya ko, ‘yong pangangailangan ng mga anak ko. Simula ‘yon sa pagkain, pananamit, pag-aaral, dito ko na [kinuha] ‘yon,” aniya.

Sa pagsasanay na alok ng Agricultural Training Institute (ATI), isang ahensiyang kadikit ng Department of Agriculture, natuto si Ruado.

Ngayong taon, alok ng ahensiya ang mga libreng seminar gaya ng paggawa ng bonsai, at pagproseso ng produkto gaya ng karne, coconut, isda, at palay.

“Nagsisimula kami sa production, paano pagtatanim, pagpili ng binhi hanggang sa value chain na,” ani Renato dela Cruz, head ng partnerships and accreditation division ng ATI.

“Tuturuan din namin kung saan sila magma-market... upang magkaroon ng magandang merkado ‘yong kanilang produkto,” dagdag ni Dela Cruz.

Galing sa iba-ibang sektor ang mga lumalahok sa pagsasanay, gaya ng mga estudyante at mga retirado, ayon kay Dela Cruz.

“Ito’y nakakatuwa kasi interesado sila sa urban gardening,” aniya.

Hindi lang umano sa negosyo puwedeng magamit ang matututunan sa pagsasanay dahil puwede rin itong magamit ng working professionals na nais ng karagdagang skills.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.