Petrolyo may bawas-presyo simula Enero 18

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 05:20 PM | Updated as of Jan 18 2020 07:57 PM

(UPDATE) Magkakaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, ayon sa anunsiyo ng ilang kompanya ng langis.

Nitong umaga ng Sabado, nagpatupad ang Phoenix Petroleum ng P1.70 bawas sa presyo ng kada litro ng diesel at P0.90 bawas sa presyo ng kada litro ng gasolina.

Simula naman alas-4:01 ng hapon ng Linggo, Enero 19, babawasan ng Cleanfuel ng P1.70 ang presyo ng kada litro ng diesel at P0.90 ang kada litro ng gasolina.

Magpapatupad naman ang Seaoil ng P0.90 bawas-presyo sa kada litro ng gasolina, P1.70 bawas-presyo sa kada litro ng diesel, at P1.65 bawas-presyo sa kada litro ng kerosene simula alas-6 ng umaga ng Lunes, Enero 20.

Tatapyasan naman ng Shell simula Martes, Enero 21, ng P0.85 ang presyo ng kada litro ng gasolina, P1.70 sa kada litro ng diesel, at P1.65 sa kada litro ng kerosene.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.