Processed meat product sa QC supermarket positibo sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 06:14 PM | Updated as of Jan 07 2020 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpositibo sa African swine fever (ASF) ang isang processed meat product mula sa isang supermarket sa Quezon City.

Matapos dumaan sa laboratory test, nakitaan ng ASF ang nasabing produktong kahit pumasa ito sa inspeksiyon ng National Meat Inspection Service, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Dahil dito, magpupulong ang lokal na pamahalaan at mga may-ari ng mga grocery at supermarket para pag-usapan kung ano-ano ang dapat gawin kapag nagkaroon ng ASF contamination ang kanilang ibinebentang processed meat products.

Sa ngayon hindi pa masabi ng Department of Agriculture (DA) kung may brand o wala ang produktong nagpositibo sa ASF dahil isinailalim pa ang produkto sa pagsusuri.

Dahil processed meat, dapat ding masuri ang produkto ng Food and Drug Administration (FDA).

Nanawagan naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura, isang grupo ng hog raisers, sa pamahalaan na ipatupad ang first border policy ng Food Safety Act.

Sa ilalim nito, dapat nauuna ang DA at FDA sa pag-inspeksiyon ng mga pumapasok na meat products sa bansa bago mapasakamay ng Bureau of Customs.

Ayon sa grupo, sayang ang ginagawa nilang bio-security measures sa kanilang backyard farms kung madali lang namang nakakapasok sa bansa ang mga kontaminadong karneng baboy.

Dagdag pa ng grupo ay bumubuti na ang lagay ng hog industry sa bansa kaya nababahala sila na baka muling makaapekto sa pagbili ng mga konsumer ang mga napabalitang kontaminadong processed meat sa mga supermarket. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.