PANOORIN: 'Bekiball' player umakyat sa ring; team nagwagi

ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 10:23 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Viral sa social media ang mga eksena sa exhibition game ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community sa Ormoc City. 

Ibang klaseng diskarte kasi ang ipinamalas ng isang miyembro ng Girl-Lash Pilipinas.

Inakyat ni Cesar Magallanes o alyas Maria Cassandra Yolanda ang ring para masiguro na walang kawala ang bola kapag ipinapasa iyon sa kaniya ng kaniyang teammate.

"Kung hindi dahil sa akin, talo kami," sabi ni Magallanes.

"Ako 'yong nagpapasa sa kaniya para ma-shoot lang 'yon, kasi parang talo na kasi kami no'ng time na 'yon," ani Chelle Matugina, teammate ni Magallanes.

Halos dalawang milyon na ang views ng viral na basketball game video at mahigit 42,000 na ang shares sa social media.

Ayon sa koponan, wala naman kasing mechanics na ibinigay sa kanilang game at inakala din nilang bibigyan sila ng "tour guide" dahil puro "travelling" ang tawag sa kanila ng referee.

Isinagawa ang basketball game kasabay ng pagdiriwang ng LGBT community anniversary sa Ormoc City.

-- Ulat nina Marc Logan at Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.