Koreano na galing casino nanakawan ng P4 milyon sa Pasay flyover

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 08:01 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nawalan ng nasa P4 milyon na cash ang isang Korean national matapos mabiktima ng panghoholdap sa Buendia Flyover sa Roxas Boulevard, Pasay City ngayong lunes.

Galing sa isang casino ang biktimang ayaw magpakilala at kapapanalo lang ng malaking premyo, ayon sa kaniyang kaibigan.

Nag-taxi aniya ang biktima para lumipat sa isa pang casino sa Parañaque pero hinarang siya ng mga di kilalang salarin pagdating sa flyover.

Kuwento ng taxi driver na si Richard Sarmiento, 3 lalaking sakay ng sports utility vehicle ang humarang at nanutok sa kanila ng baril.

Tumakbo aniya siya palayo para humingi ng saklolo sa isang security guard, pero wala na ang mga salarin at natangay na ang pera ng biktima nang makabalik siya.

Naniniwala naman ang kaibigan ng biktima na minanmanan ito ng mga kawatan sa casino at sinundan sa daan matapos makitang nanalo ito.

Inaalam ng mga imbestigador kung may CCTV camera sa lugar para mahanap ang mga salarin.

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.