Phoenix Petroleum nangako ng tulong sa mga residenteng apektado ng gas leak

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 11:55 AM | Updated as of Dec 16 2019 12:15 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nangako ang pamunuan ng Phoenix Petroleum nitong Sabado na tutugon ito sa responsibilidad sa mga residenteng naapektuhan ng gas leak sa Barangay Bangkal sa Makati.

"Pinapangako po ng Phoenix Petroleum na ang mga residente po tutulungan namin in terms of safety and welfare and their health," ayon kay Raymond Zorilla, senior vice president for external affairs ng kompanya.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Zorilla na agad silang aaksiyon sa oras na "totally cleared" na ang sitwasyon.

"As soon as it’s totally cleared, full action na kami sa mga residente para mabigyan namin ng tulong pangkalusugan at malaman natin kung may naapektuhan po," sabi niya.

Ilang residente sa lugar ang dumaing ng nakasusulasok na amoy mula sa gas leak.

Naalis na ang lahat ng produkto sa lugar at binobomba na rin ng tubig ng Bureau of Fire Protection ang kanilang tangke.

"Sa initial na test, krudo daw ito, diesel. Hindi pa natin matukoy saan ang leak. Dalawa lang naman 'yan, whether doon sa pipeline [or] doon sa underground tank," paliwanag niya.

Magkakaroon naman ng hydro testing Sabado ng umaga, sabi ni Zorilla.

Batid niya ang pangamba ng mga residente pero tiniyak din niyang walang tubo ang tumatawid sa labas ng kanilang estasyon.

"'Yung tubo nasa area lang namin. Wala pong tinatawirang ibang property 'yan. Doon lang 'yan sa estasyon namin," sabi niya.

Nangako rin aniya sila kay Makati City Mayor Abigail Binay na hindi bubuksan ang estasyon ng walang clearance ng lokal na pamahalaan.

"Pangalawa at pinaka-importante, ia-address namin 'yung sitwasyon doon sa nakapaligid lalo na 'yung mga residente doon. Safety and welfare of the community yan ang primodial concern," sabi niya. - DZMM, 3 November 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.