Higit sa 200 kg mishandled meat, nasamsam sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 11:35 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Mahigit sa 200 kilo ng mishandled meat ang nakumpisa ng Quezon City Veterinary Service sa ilang palengke sa Quezon City.

Itinuturing na mishandled ang karne kung wala ito sa chiller dahil kapag tumataas ang temperatura, ay madali itong kapitan ng bacteria.

Unang pinasok ng mga kinatawan ng Quezon City Veterinary Service ang Commonwealth Market.

Sa dalawang pwesto, ilang supot ng karne ang natagpuan lang sa sahig.

Hindi na umangal pa ang mga tindero nang kumpiskahin ng Veterinary Service ang ilan sa kanilang paninda.

Sumunod na inispeksyon ang Novaliches Market, kung saan nasamsam ang ilang kahon ng karne ng baboy.

Ang tinderong si Isidro Almares, iginigiit na fresh pa rin ang kanyang paninda, na sa huli ay kinumpiska rin.

Tinatayang nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P25,000 ang humigit kumulang 200 kilo ng mishandled meat na nakumpisa.

Paalala ng QC Vet sa mga tindero na pagmumultahin ng hindi bababa sa P50,000 ang mahuhuling paulit-ulit na lalabag sa tamang pag-handle ng karne. Kukumpiskahin naman ang lisensiya sa ikatlong offense.

Payo naman nila sa mga mamimili na huwag bumili ng karneng wala sa chiller at nakatiwangwang lang sa palengke. – Umagang kay Ganda, 24 October 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.