Pag-apruba sa medical marijuana, posibleng matagalan pa - kongresista

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 10:22 AM

Watch also in iWantTFC

Maaaring matagalan pa ang pagpasa sa panukalang batas na layong gawing legal ang medical marijuana, ayon sa nagsusulong dito na si Isabela Representative Rodolfo Albano III, Linggo.

Lumusot na ang medical cannabis bill sa House health committee nitong nakaraang linggo.

Nakatakda itong sumalang sa committee on rules sa ilalim ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, bago dumaan sa plenaryo ng Kamara at maipasa sa Senado, ayon kay Albano.

"Matagal pa kasi wala pang counterpart measure sa Senate," dagdag ng kongresista sa panayam ng DZMM.

Gayunman, may ilang nakababatang senador na aniya ang nagpahag ng suporta para sa panukala. Pabor din aniya rito si Pangulong Rodrigo Duterte.

Muli ring nilinaw ni Albano na hindi ginagawang legal ng panukala ang paggamit ng marijuana, kundi tanging ang medikal lang na gamit dito para sa mga pasyenteng may cancer, epilepsy, seizures at iba pang karamdaman.

"Iyung batas sa paggamit ng marijuana talaga, hindi natin idini-decriminalize iyong marijuana, nandyan pa rin iyan. Ginagawa lang nating accessible and affordable iyung marijuana in its medicinal form doon sa mga may kapansanan," paliwanag niya.

Sinabi ng mambabatas na hindi basta-basta mabibili ang medical marijuana sa mga botika, kundi sa mga itatayong medical cannabis compassionate centers (MCCC).

Kailangan rin aniyang may kaukulang reseta ang mga pasyente mula sa mga lisensyadong doktor.

DZMM, 1 Oktubre 2017