Mga impounded na sasakyan sinasakop ang Agham Road

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 08:35 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Patuloy na sinasakop ng mga impounded na sasakyan ang outer lanes ng Agham Road sa Quezon City ngayong Miyerkoles, dahilan para magsikip ang kalsadang kinaroroonan ng Office of the Ombudsman at isang science high school. 

Sa susunod na linggo na ang deadline ng interior department sa mga lokal na pamahalaan para tanggalin ang mga illegal na istruktura, sasakyan, at vendor sa mga kalsada sa Metro Manila. 

Nangako na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City government na tatanggalin nito ang mga impounded na sasakyan sa Agham Road, sabi ng Transport and Traffic Management Task Force head ng lungsod na si Ariel Inton. 

Pero aniya, "Ang problema ng LTFRB, kailangan pang dumaan ng kanilang pagkuha ng towing services sa bidding process. Matatapos na daw po iyon." 

Tinitingnan din aniya ng lokal na pamahalaan kung kasama sa mga nakahambalang sa daan ang mga trak na nag-overnight parking doon. 

Kabilang ang Agham Road sa mga kalsadang laging binabalikan ng mga illegal na istruktura, tulad ng Laong Laan Road at Banawe Street, ani Inton. 

Wala aniyang sariling towing truck ang Quezon City kaya humihiram lang ito sa Metropolitan Manila Development Authority o hindi kaya'y nag-i-improvise gamit ang mga trak ng panghakot sa basura. 

Ani Inton, inirekomenda na nito sa city council na magpa-bidding para makabili ng mga towing truck at maghanap ng mas malawak na impounding area, posible sa Barangay Payatas. 

DZMM, Setyembre 18, 2019