4-araw work week suportado ng labor group

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 08:28 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagpahayag ng suporta ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ngayong Martes para sa panukalang batas para sa 4-araw na work week.

"Sinusuportahan namin ang panukalang ito, provided na dapat po, wala pong mababawas na pasahod, benepisyo na natatanggap ng mga manggagawa at kung magkakaroon po ng konsultasyon at dayalogo sa mga manggagawa bago ipatupad ng employer," ani Alan Tanjusay, tagpagsalita ng ALU-TUCP.

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 6152 na nagtatakda ng "compressed work week."

Sa ilalim ng panukala, hahaba ang oras ng trabaho kada araw, pero kapalit naman nito'y mas mababa sa 5-6 na araw kada linggo ang ipapasok ng manggagawa.

Ani Tanjusay, makakatulong ang pinaiksing work week na maibsan ang trapiko dahil mababawasan ang pagsasabay-sabay ng mga manggagawa papasok at pauwi mula sa trabaho.

Magkaroon din aniya ng mas maraming oras ang isang empleyado para sa kanyang sarili at pamilya habang makakatipid naman ang kumpanya sa operational expenses.

Binanggit ni Tanjusay na dati nang pinayagan ang compressed work week sa isang kautusan ng Department of Labor and Employment. Nasa 2,000 pribadong establisyemento aniya ang nagpapatupad na nito.

DZMM, 29 Agosto 2017