P20-M halaga ng bawal na karne, dimsum nasamsam sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2019 08:06 AM | Updated as of Aug 27 2019 04:08 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nakumpiska sa Tondo, Maynila ang nasa higit P20 milyon halaga ng bulok at ipinagbabawal na karne at dimsum galing China at Brazil.

Hinarang ng mga awtoridad hapon ng Linggo ang isang van sa may Road 10 na may kargang mga kahong naglalaman ng umano'y bulok at umaalingasaw na dimsum at baboy.

Ayon sa driver ng van, inutusan siyang itapon ang mga bulok na produkto.

"Delikado talaga ito... [kung] mapunta ito sa kamay ng mga enterprising individuals na lilinisan, huhugasan, aalisin ang amoy at ibabalik sa palengke o ibebenta nila o ilalako nila," ani Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Raxabago-Tondo Police Station.

Ipinagbawal ng gobyerno ang pagpasok ng mga produktong karne mula China at Brazil dahil sa banta ng African swine flu.

Nakarehistro ang sasakyan sa lalaking kinilalang si Willy Chua, isang negosyante sa Tondo.

Nagsagawa nitong umaga ng Lunes ng strike operation ang pulisya kasama ang Veterinary Inspection Board sa itinurong storage facility ni Chua sa isang apartment compound sa Tondo.

Nakuha roon ang mga bulok na dimsum at ilang ipinagbabawal na Peking duck.

Habang iniinspeksiyon, dumating ang isang pickup truck na may karga ring mga Peking duck at dimsum.

Agad dinampot ang Chinese na driver ng truck at umaming nagde-deliver ng mga produkto mula China.

Walang humarap sa mga awtoridad na may-ari ng storage pero kakasuhan ang mga nahuling dawit sa paglabag sa Meat Inspection Code at Food Safety Act.

Iniimbestigahan na rin ang hindi pagdeklara sa mga residential unit sa apartment compound bilang storage facility.

Posibleng makansela ang business permit ng establisimyento dahil sa mga paglabag. -- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.