Sa kabila ng 'singles' ban: Biyahe sa bahagi ng EDSA inabot ng 1 oras

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 11:43 AM | Updated as of Dec 17 2019 08:02 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MANILA - Inabot ng halos 1 oras ang biyahe ng DZMM Radyo Patrol sa bahagi ng EDSA, mula North Avenue hanggang Kampo Crame sa Quezon City nitong Huwebes, sa kabila ng ban sa mga sasakyang driver lang ang laman.

Umalis ang news team sa North Avenue bandang alas-8:20 ng umaga at nakarating sa tapat ng Kampo Krame alas-9:15 ng umaga.

Dumaan ang Radyo Patrol sa rutang EDSA-Ibabaw at Santolan Flyover.

Sa Cubao, kapansin-pansin na nagpapabigat ng trapiko ang mga pampasaherong bus na nagsasakay at nagbababa malapit sa intersection ng Aurora Boulevard at EDSA.

Tinatayang 5.5 kilometro lamang ang distansya ng Crame at EDSA-North Avenue.

Batay sa taya ng Google, kokonsumo lang dapat ang motorista ng 18 minuto sa biyahe -- malayo sa 1 oras na ginugol sa daan ng Radyo Patrol.

Ngayong Huwebes ang ika-2 araw ng dry run ng drivers-only ban tuwing rush hour sa EDSA.

Iginiit naman ng Metropolitan Manila Development Authority na lumuwag ang trapiko sa EDSA dahil sa polisiya nitong Miyerkoles.

"Iyung nangyari po kahapon, nandoon naman po iyung mga cameraman, mga media outfit, kita naman sa CCTV na medyo lumuwag talaga ang EDSA noong umaga po," sabi ni MMDA general manager Jojo Garcia sa panayam ng DZMM.

Aniya, ibinahagi rin ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa MMDA na inabot lang ng 30 minuto ang kaniyang biyahe sa EDSA mula Makati hanggang Quezon City kahapon.

Gayunman, una nang hinimok ng Senado at ilang motorista ang MMDA na ibasura ang EDSA singles ban.