Pag-angkas ng frontliners, puwede na sa ilalim ng MECQ: Eleazar

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 10:41 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Papayagan na ang magka-angkas sa motorsiklo na bumiyahe sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila pero para lamang sa mga frontliners at essential workers, ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Ayon kay Eleazar, ito ang bagong guidelines na inilabas ng national task force nitong Lunes.

“Pinapayagan na po ang backriding sa MECQ provided na 'yung angkas o backride ay essential worker or APOR at 'yung travel niya is work-related regardless na 'yung nagda-drive sa kaniya is kamag-anak niya whether 'yun ay APOR o non-APOR,” pahayag ni Eleazar sa panayam sa ABS-CBN Telerado nitong Martes.

Ito aniya ang konsiderasyong ibinigay ng gobyerno dahil suspendido ang public transport sa ilaim ng MECQ.

Dagdag niya, dapat ay mayroon pa ring barrier ang motorsiklo at ito ay privately-owned. 

"'Di siya for hire o 'yung travel na ‘yun ‘di siya binayaran o inupahan," sabi niya.

Samantala, epektibo pa ang quarantine passes na dating inisyu ng mga local government uniit.
 
"Puwede po 'yun habang hindi pa nag-iisyu ng bago ang ating LGU o mga barangay puwede po ‘yun," saad ni Eleazar.

Pero depende na sa LGU ang implementasyon ng quarantine pass.

"Ipinaubaya na ng Inter-Agency Task Force sa mga LGU ito pong mga details na ipinapatupad na ikino-coordinate naman sa mga local chief of police natin," paliwanag ni Eleazar. 

Muling ipinaalala naman ni Eleazar na ang quarantine pass ay para lamang sa isang tao sa bawat household. Siya lamang ang lalabas para makapamili ng mga kakailanganin ng pamilya sa loob lamang ng kanilang lokalidad.
 
"Dapat i-avail mo lang itong bibilhin mo doon lang sa lugar mo at hindi ka na dapat mangibang bayan pa,” sabi niya.

Hindi rin aniya ito basehan para makatawid sa boundary ng mga lungsod o munisipalidad.

"Pag tayo ay lalabas, dapat tayo ay essential worker o tinatawag nating APOR (Authorized Person Outside of Residence). ‘Di na nating kailangan pa ang quarantine pass kasi basic ID, certificate of employment, 'yun lang po 'yun at puwede na kayong mag-cross sa lahat ng borders provided na work-related ang travel n'yo," paliwanag niya.

Tiniyak naman niya na malayang makabibiyahe pa rin ang mga cargo na may bitbit na essential goods sa mga boundary habang nakiusap siya sa mga nais na bumiyahe sa labas ng kanilang lokalidad na ipagpaliban muna kung hindi naman emergency.
 
"Suspended ang movement ng ating locally stranded individuals pero pag talagang emergency, puwede po yun pero sa ngayon ang ginagawa namin mag-apply ng travel authority, iche-check naman natin kung talagang may basehan pero 'yung maglilipat ng bahay o gamit, kung ‘di naman emergency 'yun po ay puwedeng ipagpaliban," mungkahi niya.