UP professor: Pagbalik sa 1-buwang ECQ makakapag-flatten ng curve sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2020 06:04 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang isang eksperto na mafa-flattten ang curve ng COVID-19 sa Metro Manila kapag isinailalim ulit sa enhanced community quarantine ang National Capital Region.

Paliwanag ni UP Institute of Mathematics Prof. Guido David, sapat na ang isang buwang ECQ para bumagal ang transmission rate ng virus. 

Mas handa na rin aniya ang gobyerno ngayon pagdating sa testing, isolation at treatment kaya magiging mas epektibo ito kumpara noong unang inilagay sa ECQ ang Metro Manila.

Ganito aniya ang nangyari sa Cebu City matapos tumaas ang kanilang kaso ng COVID.

“Within 30 days mafa-flatten natin kasi nagawa na natin sa Cebu. Kasi sa Cebu, mataas yung transmission rate bago sila nag ECQ. Tapos nu'ng nag-ECQ sila after 30 days napababa nila. Na-flatten na nila. Ngayon, pinapabagal na lang natin yung transmission sa Cebu para konti na lang yung bilang ng kaso,” sabi ni David. 

Una nang hiniling ng mga medical frontliner na ibalik sa ECQ ang Metro Manila dahil nasa danger zone na ang mga ospital. Pero hindi kumbinsido si David na sapat na ang dalawang linggong ECQ para ma-flatten ng curve sa NCR.

Sa pagtaya ng mga eksperto sa UP, posibleng umabot sa 150,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng buwan ng Agosto

ABS-CBN Teleradyo Headline Pilipinas 1 August 2020