VIRAL: Pandurukot sa footbridge

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 09:24 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Viral sa social media ang pandurukot ng lalaki sa isang babaeng paakyat sa foot bridge sa Marcos Highway nitong nakaraang Sabado, Hulyo 29.

Sa ini-upload na video ng isang concerned citizen, makikita ang isang babaeng paakyat dala ang kaniyang backpack habang kasunod niya ang isang lalaki.

Ilang saglit lang, dahan-dahang binuksan ng lalaki ang bulsa ng bag, kinuha ang tila isang pitaka at agad bumaba at sumakay ng jeep.

Kuwento ng mga dumaraan doon, napapansin nila ang lalaki at iba pa nitong kagrupo sa mga footbridge at sa kalsada na nagpapanggap bilang mga barker ng pampasaherong jeep.

Nitong Linggo lang, nabiktima rin ang college student na si KC Mojica pero mga ballpen lang ang nakuha sa kaniya.

Dahil sa kumalat na video sa social media, mas naging alerto na ang ilang pedestrian.

Ayon sa barangay, wala silang natatanggap na reklamo na nabiktima ng pandurukot sa lugar.

Pero tiniyak ng barangay na mas paiigtingin nila ang pagbabantay.

Para sa mga nabiktima ng kaparehong modus, maaaring makipag-ugnayan sa sa (02) 647-8479 na numero sa telepono ng Barangay San Roque na nakasasakop sa lugar kung nasaan ang foot bridge.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.