Speaker, may pinapadrinong ma-promote sa Customs: Faeldon aide

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 01:07 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nauwi sa komprontasyon sa pagitan ng mga kongresista at head executive assistant ni Customs chief Nicanor Faeldon ang briefing nitong Mierkoles, Hulyo 27, ng committee on ways and means ng Kamara tungkol sa mga isyu ng smuggling at pag-angkat.

Inirereklamo ng mga kongresista ang Facebook post ni Atty. Mandy Mercado Anderson kung saan tinawag niyang 'imbecile' si House Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa banta niyang ipabuwag ang Court of Appeals.

Naging mainit ang sagutan nina House Majority Leader Rodolfo Fariñas at Anderson.

Birada ni Fariñas, pinasama umano ni Anderson ang imahe ng Kamara sa pagtawag kay Alvarez na 'imbecile'.

Depensa naman ni Anderson, personal niyang social media account iyon at may karapatan siyang magpahayag ng sariling pananaw.

Banta pa ni House Deputy Speaker Romero "Miro" Quimbo, hindi bibigyan ng budget o pondo ang Bureau of Customs kung ganiyan umasta umano ang kawani nito, at kung di rin naman masawata ng kawanihan ang problema sa smuggling.

"Hangga't hindi nila naipapaliwanag kung papaano nila mapipigilan ito, at kung paano nila mapipigilan ang mga kawani na katulad ng nakita natin kanina, na harap-harapang manlapastangan sa mga miyembro ng Kamara, ay tingin ko talagang mahihirapan silang magkaroon ng budget," ani Quimbo.

Humingi rin ng paumanhin kalaunan si Anderson sa mga kongresista, pero hindi kay Alvarez.

Ipinaliwanag ni Anderson sa DZMM kung anong pinaghuhugutan niya.

Ibinunyag ni Anderson na may pinapadrino umano ang kampo ni Alvarez para ma-promote bilang 'chief for assessment for the importation of motor vehicles' sa isang port.

Patuloy umanong namadrino ang kampo ni Alvarez hanggang kalaunan, si House Speaker na mismo ang kumausap umano kay Anderson.

Nang hindi makalusot sa kaniya, dumiretso na umano si Alvarez kay Faeldon para sa pabor na hinihingi sa Customs.

Ayon kay Anderson, sinabi ni Faeldon kay Alvarez na kung hindi kuwalipikado ang tauhan, hindi siya maipo-promote.

Mula noon, sinabi ni Anderson na nakatanggap na siya ng mga banta mula sa kampo ni Alvarez.

Gayumpaman, aminado si Anderson na maling inilabas niya ang kaniyang sentimyento sa Facebook.

Wala pang sagot ang kampo ni Speaker tungkol sa mga bintang ni Anderson.

Nanindigan naman si Faeldon na hindi niya sisibakin si Anderson dahil kailangan niya ang mga tulad ni Anderson na hindi matatawaran ang pagkatao. Wala rin daw kinalaman ang opinyon ni Anderson sa kaniyang trabaho.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.