Edukasyon, pinakamalaki ang pondo sa panukalang 2018 budget

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 11:23 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Isinumite na ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang panukalang higit P3.767 trilyon national budget para sa 2018.

Mas mataas ito ng 12% sa 2017 national budget na P3.35 trilyon.

Sa ilalim nito, binigyan ng pinakamalaking pondo ang edukasyon na nilaanan ng kabuuang P691.1 bilyon.

Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, gagamitin ito para sa pagpapatayo ng halos 50,000 classrooms at pagkuha ng mahigit 80,000 mga bagong guro.

Malaki rin ang alokasyon para sa Department of Public Works and Highways na binigyan ng P643.3 bilyon sa pambansang budget ngayong paarangkada na ang mga malakihang infrastructure project ng administrasyon sa ilalim ng 'Build, Build, Build' program.

Binigyan naman ng pondong P73.8 bilyon ang Department of Transportation.

Prayoridad din sa proposed 2018 national budget ang Department of National Defense na nilaanan ng P145 bilyon. 

Popondohan nito ang revised Armed Forces of the Philippines modernization program at pagbili ng mga bagong armas at makabagong gamit ng militar.

Inilaan naman ang P172.3 bilyon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Malaking bulto ng budget ng DILG ay mapupunta sa pagpapaigting sa kampanya kontra droga ng administrasyon. Nakalaan ang P900 milyon para pondohan ang 'Oplan Double Barrel Reloaded'.

Ayon kay Diokno, isinama na rin nila sa budget ang inaasahang kita mula sa isinusulong na tax reform bill, kabilang na ang P25.7 bilyon na dagdag pondo para sa conditional cash transfer program ng gobyerno.

Patunay umano ito na mali ang mga batikos na dehado ang mga mahihirap sa isinusulong na mga reporma sa buwis.

Reporma at pagbabago rin daw ang isinusulong ng proposed 2018 national budget.

Naglaan ng P10 bilyon ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng Marawi sa susunod na taon.

Dagdag pa ito sa P5 bilyong pondo para sa Marawi ngayong 2017 at sa donasyon ng iba't-ibang bansa.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.