6 patay sa pananalasa ng habagat, Josie sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 08:01 AM | Updated as of Jul 24 2019 12:27 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Pumalo na sa 6 ang nasawi sa lalawigan ng Bataan ngayong Lunes dahil sa mga pag-ulan na dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Josie. 

Ayon sa local disaster office, pinakahuli sa mga nakumpirmang nasawi ang isang 7-taong-gulang na lalaking biktima ng landslide sa Mariveles. 

Nabagsakan anila ng adobe ang bahay ng bata. Kritikal ang lagay ng ina nito. 

Apat na iba pa ang nasawi sa bayan ng Balanga, kabilang ang 2 na nabagsakan ng gumuhong pader, isang nakuryente, at isang 6-taong-gulang na babaeng nalunod. 

Nalunod din ang isa pang lalaki sa bayan ng Hermosa. 

Sa pinakahuling tala ng disaster office, lubog pa rin ang 40 barangay sa Bataan. Labing-pito sa mga ito ang nasa bayan ng Hermosa, kung saan nasa 6-talampakan ang lalim ng baha, habang ang natitira ay nasa Dinalupihan, Morong at Mariveles. 

Suspendido ang klase sa lahat ng lebel sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Bataan ngayong Hulyo 24. 

Nakaalis na sa bansa ang bagyong Josie nitong Lunes, pero isang low pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility ang maaaring maging bagyo, ayon sa state weather bureau.

 

Ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.