Same-sex couple, kasama sa papayagang mag backride sa motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 12:14 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Nilinaw ni Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar na maging ang same-sex couple ay papayagang bumiyahe sakay ng isang motorsiklo basta’t may protective barrier ito at kaya nilang patunayan na nakatira sila sa iisang bubong. 

“Puwede rin po 'yun basta couples o partners, ibig sabihin meron silang relationship na sila’y magkasama sa isang tinitirahan. Kailangang ma-establish doon na sila ay nakatira sa isang lugar kaya ang hinahanap natin doon dokumento. Initially, 'yung pong ID nagpapatunay na magkasama sila doon,” pahayag ni Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar. 

Bagamat napayagan na ang “couples” na bumiyaheng magka-angkas sa motorsiklo sa mga lugar sa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ, sinabi ng Palasyo na para lamang ito sa mag-asawa. 

Nauna nang nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año na ang depenisyon ng “couple” ay iyong mga kasal, mag live-in partner at maging mag girlfriend o mag boyfriend. 

Ngayon Biyernes, Hulyo 10, ang unang araw ng implementasyon ng backriding for couples. Pero paalala pa rin ni Eleazar na dapat ay may protective barrier na ang motorsiklo at naka-helmet at face mask naman ang rider at pasahero nito. 

“Kung wala po kayong ganyan, kami po ay nananawagan wag muna kayong lumabas. Hintayin n'yo munang makakuha kayo ng ganyan bago kayo lumabas,” sabi ni Eleazar. 

Hiling ni Eleazar ang kooperasyon ng publiko habang tiniyak naman niya na magiging maayos ang pagharap ng mga pulis sa gagawing random checks sa pagmomonitor ng compliance sa backriding for couples measure.