Professional divers maaaring gamitin sa paghanap ng 14 na sakay ng F/V Liberty V

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 02:44 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Maaaring kumuha ng professional divers ang mga awtoridad para hanapin ang 14 kataong nakasakay ng lumubog na F/V Liberty V, ayon sa head ng provincial disaster risk reduction and management office ng Occidental Mindoro nitong Biyernes.

“Patungo na tayo doon sa pagkuha na po ng mga professional divers dahil sa mga hinuha na … sinasabi po na maaari na ang inyong mga magulang o inyo pong kasamahan sa [F/V Liberty V] ay posibleng hindi na nakalabas,” sinabi ni Mario Mulingbayan sa ABS-CBN News.

"Umaasa po tayo na marami pa ring palatandaan at marami pa rin pong pangitain na magiging ugat po ng mas magandang imbestigasyon," dagdag pa niya. 

Ayon kay Mulingbayan, posibleng kasama nang lumubog ng sasakyan ang mga nakasakay sa dagat.

"Dahil diumano po nangyari po ito bandang 1:00 o 2:00 ng madaling araw at kung titignan natin maaaring ‘yung ibang crew ay maaaring tulog," ani Mulingbayan.

Ayon sa opisyal, nasa Batangas City na ngayon ang nakabangga sa F/V Liberty V at patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Dagdag pa nito, iuugnay sa Philippine Coast Guard ang pamilya ng 14 hinggil sa tulong na maaaring maiabot sa kanila bukod sa paghahanap ng kanilang kamag-anak.

"Panalangin din namin na sana may matagpuan pa po tayo sapagkat una ay napakalungkot po ng pangyayaring ito na hanggang sa ngayon ay wala pa pong senyales na may natagpuan po tayong katawan."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.