Higit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 06:14 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nasabat ng mga tauhan ng Marikina City Police ang higit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Concepcion Uno.

Batay sa paunang ulat ni Police Cpt. Fernildo De Castro ng Marikina PNP, arestado rin ang dalawang babaeng menor de edad na nakipagtransaksyon sa kanilang poseur buyer alas 8 Lunes ng gabi.

Parehong 16-anyos ang mga suspek—isa ay estudyante habang ang isa naman ay namamasukan bilang maid. Pawang mga residente ng Brgy. Malanday ang mga suspek.

Gamit ang boodle money ay nakipagtransaksyon ang mga pulis para sa P7,000 halaga ng iligal na droga.

Nang magpositibo ang transaksyon ay nakumpiska sa dalawa ang 3 plastik at isang sachet ng mga hinihinalang shabu na may bigat na isangdaan at limampung gramo.

Samantala, isang lalaki ang natagpuang nakahandusay at wala nang buhay sa may Quezon Avenue, alas-10 kagabi.

Wala pang pagkakakilanlan ang lalaki na nakasuot ng itim na pants at blue na tshirt. Wala ring wallet o ID ang lalaki.

Inaalam pa ng mga tauhan ng Quezon City traffic sector one ang posibleng kinamatay ng lalaki.

Pero ayon sa ilang mga nakatambay sa kalsada, may isang itim na SUV na nakabangga sa lalaki habang siya ay tumatawid sa westbound lane ng Quezon Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.