OFW na namatayan ng ama, 1 buwan nang naka-quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 08:55 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nananawagan ang isang overseas Filipino worker ngayong Martes na payagan na ng gobyerno na makauwi siya at kaniyang mga kasamahan mula sa mahigit isang buwan nilang quarantine para maabutan niya ang libing ng kaniyang ama.

Kuwento ni "Jo", umuwi siya mula sa Taiwan, kung saan 3 taon na siyang nagtatrabaho, dahil namatay ang kaniyang ama noong Abril.

Dinala aniya siya ng gobyerno sa isang hotel sa Talisay, Batangas para doon mag-quarantine nang dapat sana'y 14 araw lamang.

Noong Mayo 5 pa aniya siya na-test para sa novel coronavirus, pero hindi pa rin niya nakukuha ang resulta nito, na kailangan bago siya payagang makauwi sa Bicol. "Nagtuturuan" aniya ang mga awtoridad tuwing hihingi siya at mga kasamahan ng update.

Nasa 200 OFWs aniya ang nananatili sa hotel, habang nakauwi na ang nasa 600 nilang kasamahan na nakakuha ng test results.

"This week na po ang libing [ng tatay ko] kaya gusto kong makahabol sana," ani Jo sa panayam ng TeleRadyo. "Sana mapauwi na kami, wala naman kaming sintomas ng virus."

Target ng pamahalaan na pauwiin ang nasa 24,000 stranded na OFW hanggang Miyerkoles, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello.

Nakauwi na aniya ang nasa 4,000 OFW nitong Lunes.
 
Nasa 43,000 iba pang OFW ang inaasahang uuwi ng bansa hanggang sa Hunyo.


TeleRadyo, Mayo 26, 2020