'Great Wall of Marawi', malaki ang naitulong sa mga sundalo

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 02:40 AM | Updated as of May 24 2018 06:14 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nanatili pa rin ang isang batalyon ng mga sundalo sa tinaguriang "most affected area" sa Marawi City isang taon mula nang mangyari ang digmaan. 

Sila ang nagbabantay sa lugar kahit mga sira-sirang kabahayan at mga gusali na lang ang naiwan.

Pero lingid sa kaalaman ng marami, malaki ang kontribusyon nila para mawakasan ang giyera dahil sa ginawa nilang "The Great Wall of Marawi."

Isa kasi sa mga kuta ng terorista na mahirap pasukin ang tinawag na "Sector Nine" na malapit sa Padian Market.

Doon nagkubli sina Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Pero nakaisip ng paraan ang militar para mapasok ang kuta.

Pinaghirapan nilang mano-manong ilagay ang sandbags papunta sa gusaling pinagkukutaan ng mga terorista.

Ginawa nila ito habang pinapuputukan sila ng sniper.

Sa loob ng anim na oras, nabuo nila ang pader na nilagyan ng halos 8,000 sandbags. Nilagyan ng trapal ang bawat gilid para hindi masilip ng kalaban.

Nang makumpleto, doon na dumaan ang mga reinforcement at pagkain para sa tropa. Doon na rin idinadaan ang mga sugatan.

"Iyung wall na 'yon is a game changer doon sa overall liberation ng Marawi kasi it opened another front kung saan natin ibinuhos ang succeeding forces," pagmamalaki ni Lt. Col. Ramon Flores, dating commander ng 63rd infantry battalion.

Tatlong araw itong ginamit hanggang sa mapatay sina Hapilon at Maute.

"Because of that wall nakapasok 'yung mga sundalo natin towards the posisyon of the enemy," ani Lt. Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao.

Ang grupo nina 2nd Lieutenant Lyle Navarro ang unang dumaan sa Great Wall.

"Sa doktrina talaga ng pagsusundalo, never kang magko-cross ng open field pero kasi wala na tayong choice, kailangan na namin gawin, kailangan na naming i-conceptualize na gagawa ng tunnel," ani Navarro. 

Bagama't tapos na ang digmaan, hindi pa rin inaalis ang Great Wall.

Testamento kasi umano ito na hindi sumusuko ang tropa ng pamahalaan para sa bayan. --Ulat ni PJ dela Peña, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.