Taas-presyo ng manok, dapat imbestigahan: mga negosyante

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 08:06 AM | Updated as of Apr 18 2018 08:16 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Hinikayat ng isang grupo ng mga negosyante ang gobyerno ngayong Miyerkoles na imbestigahan ang pagtaas ng presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila. 

Nasa P10 hanggang P20 ang itinaas ng kada kilo ng manok, lalo na ang paa, pakpak at pitso, batay sa pagroronda ng DZMM sa ilang palengke. 

Sa Marikina Market, P125 kada kilo na ang bentahan mula sa dating P105. Tumaas naman sa P160 mula P150 ang kada kilo ng choice cut ng manok sa Pritil Market sa Tondo, Maynila. 

Nakapagtataka ang naturang taas-presyo dahil kumpara noong nakaraang buwan, mababa ang farmgate price ng manok o presyo nito sa mga poultry farm, sabi ni Atty. Elias Jose Inciong, presidente ng United Broilers Raisers Association. 

Nasa P70 hanggang P82 aniya ang farmgate price nitong Martes, mas mababa kumpara sa P89 na naitala noong Marso 16. 

"Kailangan pong tingnan kung anong nangyari," ani Inciong. 

Ilalapit aniya ng kaniyang grupo ang isyu kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kung matutuloy sa Huwebes ang pulong na hiniling nila dito. 

DZMM, 18 Abril 2018