COVID-19 bayanihan: OFWs namigay ng karne sa mga ka-barangay sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 01:19 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sa tulong ng kanilang mga kamag-anak at mga lokal na opisyal sa Tayabas, Quezon, namahagi ng karneng baboy ang ilang OFWs sa kanilang mga ka-barangay habang naka-lockdown ang buong Luzon dahil sa coronavirus disease (COVID-19). 

Nasa 200 kilo ng karne ang naipamagay sa lahat ng 235 pamilya ng Brgy. Angustias Zone 3 dahil sa donasyon ng mga OFW, ayon kay Barangay Chairman Eric Sabio. 

"Hindi po naging hadlang ang layo nila para maiparating ang kanila pong tulong para sa aming mga ka-barangay," sabi niya sa panayam ng DZMM. 

Nakipagtulungan din aniya ang ilang pang mga residente sa barangay para makapagmahagi ng gulay, itlog, isda at manok sa kanilang mga ka-barangay. 

Nasa 70 porsyente naman ng mga residente ang nakatanggap na ng hiwalay na relief packs mula sa city government. 

"Wag na po kayong lalabas at kami na lang po ang pupunta sa inyong tahanan," bilin ni Sabio sa mga ka-barangay. 

Hanggang nitong Linggo ng hapon, maryroon nang 2 pasyente ng COVID-19 sa Tayabas. 

Sa buong bansa, nakapagtala ang health department ng 3,246 kaso ng naturang sakit, kabilang ang 152 na nasawi at 64 pasyenteng gumaling. 

DZMM, Abril 6, 2020 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.