TINGNAN: Makabagong jeepney, trike, bus

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 12:28 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Ipinagmalaki ng Transportation Department ang mga prototype ng makabagong pampublikong sasakyan para mas marami ang makumbinsi sa programang public utility vehicle (PUV) modernization ng gobyerno.

Ipinakita ng ahensiya ang mga e-tricycle na puwedeng i-book gamit ang app.

May jeepney na tumatakbo sa baterya at may rampa para sa wheelchair.

Mayroon ding bus na 'low floor' na ang disenyo. 

Ibinida rin ang mga CCTV, air-con at maluwag na espasyo para sa pasahero.

Ang isang prototype, halos katulad ng disenyo ng mga jeep na nasa kalsada ngayon, pero pasok ito sa standards na inilabas ng Department of Trade and Industry tulad ng pagiging Euro-4 compliant na nangangahulugang hindi na gaanong mausok ang jeep at sa gilid na ang pintuan para mas ligtas ang pagpasok ng pasahero.

Positibo ang naging tugon ng ilang operator pero may ilan ding hindi natuwa tulad ng single operator na si Helena Barcena.

Katwiran niya, mahirap ang nais ng modernization program na bumuo ng grupo ang mga jeep para mas madaling makautang sa bangko.

Sagot ng gobyerno, tatanggalin na kasi ang boundary system at nakalatag naman na raw ang tulong pinansiyal sa mga gustong sumunod sa modernisasyon para gawing mas ligtas ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan.

May kalayaan din daw ang mga bibili na mamili ng disenyo at maging manufacturer.

Sa Hunyo, plano ng gobyerno na magbukas ng anim na ruta sa Metro Manila para sa mga modernong jeep.

Kabilang sa mga bagong ruta ang Cogeo to Market-Market, Quezon City Hall via Quezon Avenue to Manila City Hall, Market-Market to SM Masinag, SM Masinag to SM Fairview, NLEX Valenzuela hanggang Malolos, at CCP to MOA.

Ayon sa LTFRB, may tatlong taon pa naman ang mga lumang PUV na sumunod sa proyektong modernisasyon.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.