Equinox, walang epekto sa temperatura: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 05:40 PM | Updated as of Sep 28 2017 12:40 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ng state weather bureau PAGASA ngayong Martes ang mga kumakalat na text message ukol sa umano'y posibleng pagtaas ng temperatura sa bansa dahil sa vernal equinox, o pagiging pantay ng haba ng gabi at umaga. 

Kumalat kamakailan ang mga babalang papalo sa 40-degrees Celsius ang temperatura sa bansa sa loob ng 5 araw dahil sa equinox. 

"Wala pong epekto ang equinox sa temperatura na maaari po nating maranasan ngayon," ani PAGASA meteorologist Shiela Reyes sa panayam ng DZMM. 

Hindi anya inaasahang aabot sa 40-degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila dahil hindi naman naitala ang ganitong lebel ng init kahit pa sa kasagsagan ng El Niño noong nakaraang taon. 

Dagdag ni Reyes, noong Marso 20 pa natapos ang equinox at wala namang naobserbahang labis na pagtaas sa temperatura. 

Sa kabila nito, ipinaalala ni Reyes na maaaring tumaas ang heat index o nararamdamang init ng katawan habang papalapit ang tag-araw. 

Maaari anyang ideklara ng PAGASA ang simula ng tag-araw sa unang linggo ng Abril kapag hindi na umiiral ang amihan. 

DZMM TeleRadyo, 28 Marso 2017 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.