24 sex den sa Nueva Ecija, sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 11:52 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sinalakay ng mga pulis ang lagpas 24 sex den sa isang compound sa San Leonardo, Nueva Ecija na ang front ay mga videoke bar.

Malayo pa lang ang mga operatiba ng Women and Children Protection Center (WCPC) ng Philippine National Police (PNP) ay dinig na ang ingay ng nagkakantahan sa compound.

Gumamit pa ng mga tauhan ng Special Action Force para maisagawa ang pagsalakay sa compound sa Diversion Road.

Base sa surveillance, may 24 na videoke bar sa compound. Pero kada videoke bar ay may kuwarto-kuwarto sa likod na ginagamit ng mga parokyano at mga babaeng inuupahan nila.

Nataranta naman ang mga parokyano ng videoke bar sa pagdating ng mga pulis kung saan ang iba ay nadapa sa pagtakbo sa putikan sa likod ng compound para makatakas.

Sa halos 70 babae doon, napagalamang 46 ay menor de edad.

Hindi malaman ng WCPC kung bakit napakalakas ng prostitution den na ito na pabalik-balik lang ang operasyon.

Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kabataang babae habang inihahanda na ang kaukulang kaso sa operator ng compound at mga videoke bar. Umagang kay Ganda, 23 March 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.