Chinese na 'nanghipo' sa 3 babae, inilipat sa Camp Bagong Diwa

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 10:25 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Inilipat ng kulungan sa Camp Bagong Diwa, Taguig ang isang Chinese national na inaresto kamakailan dahil sa panghihipo umano sa 3 babae sa Pasay. 

Nasa horror house ng isang theme park ang mga biktima nitong Pebrero 7 nang hipuan umano ng suspek na si Zhang Yang, 19-anyos na empleyado ng isang online casino sa bansa. 

Alinsunod sa utos ng korte, inilipat si Zhang mula sa Pasay City Jail patungo sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa nitong Pebrero 19, sabi ni National Capital Region police chief Director Guillermo Eleazar. 

Itinakda aniya ng korte ang piyansa ni Zhang sa P36,000 kada count ng kasong acts of lasciviousness na kaniyang kinakaharap. 

Hindi pa nakakapagpiyansa ang suspek at nananatili siya sa Annex 2 ng Metro Manila District Jail. 

Una nang nag-alok ang panig ng suspek na makipag-areglo sa mga biktima pero hindi pumayag ang mga ito. 

Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.