ABS-CBN franchise susuportahan ng ilang masusugid na manonood

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 08:44 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng petisyon ng gag order laban sa ABS-CBN, giit ng mga masusugid na manonood ng istasyon na hindi sila titigil sa pagpapahayag ng kanilang saloobin at suporta hinggil sa pagpasa ng franchise renewal ng network.

Katulad na lamang ni Primitiva “Eming” Toreno na ilang taon nang tumatawag sa landline ng ABS-CBN para maparating ang mensahe o komento nila hinggil sa mga napapanood sa network. 

Bago pa kasi ang batas militar ni dating diktador Ferdinand Marcos Sr. patungo sa pagbalik ng network sa ere pagkatapos ng EDSA People Power hanggang sa kasalukuyan ay nakasubaybay na si Toreno sa Kapamilya Network.

“Basta may narinig akong opi-opinyon, pinaaabot ko sa ABS-CBN. It's either positive or negative para ma-improve kung gusto nila. Basta 'yung concern ko andoon,” ani Toreno. 

Umaasa si Toreno na hindi bibitaw ang mga nagtatrabaho sa ABS-CBN dahil ang network na ang primarya niyang pinagkukunan ng mahahalagang balita katulad na lang ng mga update hinggil sa COVID-19. 

“101 percent naniniwala kami dapat [i-renew] ‘yung franchise ng ABS-CBN, Dapat talaga, Dapat. ‘Yun na ang [nakalagay] sa puso ko, ABS-CBN. Hindi na ‘yun magbabago, wala nang makapagbabago,” ani Toreno.

Ngayong may mainit na isyu ang network, aminado ang mga young professional at estudyante na sina Tom, Bryan, Kenneth, Jeffrey at Macoy na apektado sila sa mga diskusyon at sagutan sa kanilang mga multi-platform page.

Sa loob ng 7 taon, nakalagay na sa page na “Kapamilya Online World” ang mga update hinggil sa mga programa at personalidad ng naturang network para sa 2 milyon mga followers nito. 

“Kailangan namin ipagtanggol kasi siyempre, ‘di lang kami basta admin ng kapamilya page, e. May pinaghuhugutan kami dito e. Ito ang kinalakihan namin. Ramdam mo kasi ‘yung puso at pagiging involved lagi ang isang viewer sa ABS-CBN. Like simpleng pagsabing, 'Sa ating ABS-CBN,’ mga ganon,” ani Ser Prid Thomas Semeniano, administrator ng Kapamilya Online World. 

“Pangulong [Rodrigo] Duterte. Ito, ibinoto kita noong 2016. Alam ko naman na maka-Pilipino ka e. Pero hopefully din mapag-usapang mabuti ‘to. At saka, don tayo sa mas magbe-benefit ‘yung mas nakararaming Pilipino. ‘Wag ipasara ang ABS-CBN,” dagdag ni Semeniano. 

Ang estudyanteng si Mark Francis Mahusay naman na administrator ng Facebook group na “Kapamilya Online Community,” lumuwas pa galing Batangas para makilahok sa peace rally sa labas ng ABS-CBN nitong Enero bago pa isampa ang quo warranto petition bilang suporta sa network.

“Kung kinakailangan tayong lumabas para magpakita ng suporta para dito, labas tayo. Pinasaya tayo ng ABS, tinulungan tayo ng ABS. Lahat na ng pwede nilang ibigay sa mga Pilipino, ibinibigay nila para sa atin. Tayo naman na nanonood, oras naman natin na i-bring back sa kanila ngayong sila ay nandito nga sa challenge years nila,” ani Mahusay.-May ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.