PAGASA: Magandang panahon, inaasahan sa Sinulog

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2017 09:27 AM | Updated as of Jul 18 2017 04:09 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

LPA magpapaulan sa Bicol, Samar

Makakaasa ng magandang panahon ang mga sasaksi sa Sinulog Festival sa Cebu ngayong Linggo, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa panayam ng DZMM, ipinaliwanag ni PAGASA meterologist Gladys Saludes na bagama't patuloy na binabantayan ng ahensya ang isang low pressure area (LPA) sa silangan ng Catarman, wala itong epekte sa idinaraos na pista ng Señor Santo Niño de Cebu.

Maliit din aniya ang tsansa na maging bagyo ang LPA.

Sa kabila nito, nagbabala si Saludes na magdadala ang LPA ng katamtaman hanggang sa minsa'y malakas na pag-ulan sa Catanduanes, Sorsogon, North at Eastern Samar.

Pinag-iingat ang residente ng mga naturang lalawigan sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Makakaranas naman ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang natitirang bahagi ng Bicol at Visayas, gayundin ang mga probinsya ng Mindoro, Marinduque at Romblon.

Malamig na panahong may manaka-nakang pag-ulan ang inaasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa epekto ng amihan.

Ani Saludes, mararamdaman ang peak ng malamig na panahon sa Enero hanggang Pebrero.

DZMM TeleRadyo, 15 Enero 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.