Single moms, kinakaya ang lahat para maitaguyod ang anak

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 10:14 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Hindi madali ang maging magulang lalo na kung mag-isang itinataguyod ang pangangailangan ng pamilya.

Tulad na lang ni Rose na mahigit limang taon nang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology-Santiago City. Nahuli siyang nagbebenta noon ng ilegal na droga, pero nagbagong buhay na siya.

Simula nang makulong, nagbebenta na ng ulam at peanut butter si Rose para maitaguyod ang pag-aaral ng nag-iisa niyang anak na magtatapos na sa kursong Chemical Engineering sa susunod na taon.

Para naman kay Sunshine Padilla, mahirap man maging single mom, pilit niyang tinutugunan pa rin ang lahat ng pangangailangan ng dalawang anak.

"Unang-una, kapag may kailangan sa school, gastusin, sa 'yo lahat iyan. Wala kang katuwang pero ganiyan talaga," pahayag ni Padilla.

Pursigido rin ang solo parent na si Divina Cabrera na mapalaki nang maayos ang kaniyang anak.

"Hindi porke't hiwalay ang magulang, maging palaboy na lang siya. Gusto kong lumaki siya nang matino, maayos at may pinag-aralan," ani Cabrera.

Inspirasyon din ni Divina ang kanyang inang si Lydia Esobido na mag-isang itinaguyod ang siyam na anak mula nang mabiyuda noong 2004.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, umaabot sa 14 milyong Pilipino ang solo parents kaya tinututukan ng ilang ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development ang pagpapatupad ng RA 8972 Solo Parents Welfare Act.

Itinatakda naman sa ilalim ng RA 8972, o ang Solo Parent's Welfare Act, ang mga benepisyo at pribilehiyo ng solo parents tulad ng tulong pangkabuhayan, pabahay, at pangkalusugan.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News