Na-bully noon, asensadong negosyante ngayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 08:10 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Na-bully, naulila pero nagtagumpay sa buhay. Ito ang mapait ngunit matamis na kuwento ni Chris Guarin.

Lumaki si Chris sa panunukso ng kanyang mga kaklase dahil sa kanyang pisikal na kaanyuan. Dagdag pa rito ang kanyang sekswalidad.

"Lagi nila akong inaasar na bardagul, bardagul, bardagul. Bardagul kasi it means, it's a monster."" pagkukuwento ni Chris kay Karen Davila sa My Puhunan.

Nanatiling matatag si Chris sa kabila ng pangungutya sa kanya mula elementarya hanggang sa mag-kolehiyo siya.

Pero hindi lang ito ang kanyang pinagdaanang pagsubok.

Taong 2000, noong nasa kolehiyo siya, yumao ang kanyang ina nang dahil sa sakit sa puso. Isang taon makalipas, sumunod naman ang kanyang ama dahil sa depresyon sa pagkawala ng asawa. Dahil dito, maaga niyang pinasan ang responsibilidad para itaguyod ang mga kapatid at pamangkin.

Iba't ibang trabaho ang pinasok niya para masuportahan ang pamilya. Dahil sa pagiging pursigido at determinado, pinasok niya ang pagnenegosyo at ang kanyang naging inspirasyon, ang pangungutya sa kanya noon.

"I promised myself na one day, I'll put up a brand, I'll put up a product and I'll put up a company that will be an inspiration for those na na-bully and for those na naka-experience ng sobrang dapa sa buhay na instead na you being affected, na you can actually turn it into a strength."

Isinilang ang burger business ni Chris nang minsan siyang bumisita sa eskuwelahan niya noong nasa kolehiyo pa siya.

Mula sa kanyang unang puwesto sa loob ng Polytechnic University of the Philippines o PUP, nasa 45 branches na ngayon ang kanyang burger business. Mayroon na rin siyang sariling commissary sa Batangas.

Hindi mararating ni Chris ang tinatamasang tagumpay kung hindi siya tinulungan noon ng kaibigan na si Raquel Virtucio. Nang pinalayas sila noon sa nirerentahang kuwarto, si Raquel ang kumupkop sa kanila.

Matapos ang halos isang dekada na hindi nila pagkikita, binisita niya ang mabuti niyang kaibigan. Bilang pagtanaw ng utang na loob, pinagkalooban ni Chris si Raquel ng sarili nitong burger business.


Sundan ang My Puhunan online:
Microsite: news.abs-cbn.com/MyPuhunan
Facebook & Twitter: @MyPuhunan
Instagram: @mypuhunantv

Panoorin ang My Puhunan online:
www.IWANT.ph (within PH)
www.TFC.tv (outside PH)
www.youtube.com/abscbnnews (episode highlights)