Magtataho, umani ng papuri matapos mamigay ng paninda noong Pasko

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 07:45 PM

Nag-viral sa social media ang retrato ng isang magtataho na sa kabila ng malakas naulan ay pinuntahan pa rin ang kaniyang mga suki para mamigay ng libreng taho bilang pamasko. Anita Beato

MAYNILA -- Sa loob ng 28 taon, paglalako ng taho ang nagsilbing hanapbuhay ng 52 anyos na si Ador Laud.

Nasa P300 ang pinakamababang halaga na kinikita ni Laud sa isang araw habang P500 naman daw ang pinakamalaki.

Pero sa isang araw kada taon, partikular tuwing Disyembre, ipinagpapaliban muna ni Laud ang pagkakaroon ng kita sa isang araw at namimigay ng libreng taho sa kaniyang mga suki.

Ayon kay Laud, ito ang kaniyang paraan ng pasasalamat at pamasko sa mga kostumer, lalo at sa mga ito raw siya nakatatanggap ng pantustos sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.

"Kasi 'yon lang po ang maipapamasko ko sa kanila kasi sa araw-araw po na hinihingi ko sa kanila 'yong pangkain namin, kahit minsan lang po, mabigyan ko naman sila," kwento ni Laud sa panayam ng DZMM.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga suki, namimigay din si Laud ng libreng taho sa mga bata tuwing Pasko.

Masaya daw si Laud na nakikitang masaya ang mga taong nabibigyan niya ng libreng taho. 

"Masaya po sila kaya masaya rin po ako," aniya.

Pinag-iipunan na lang daw ni Laud ang kita na nawawala sa kaniya sa isang araw ng pamimigay ng taho.

NAG-VIRAL PA SA SOCIAL MEDIA

Nakatira sa Silang, Cavite si Laud at dumadayo pa sa karatig-lungsod na Dasmariñas para maglako.

Isa sa mga suki ni Laud sa Dasmariñas ay si Anita Beato, na nag-post noong Disyembre 23 sa Facebook ng mga retrato ni Laud, at ikinuwento sa mga netizen ang pagiging masipag at taos-puso ng magtataho.

Habang sinusulat ang istoryang ito, umani na ng higit 77,000 reactions at higit 58,000 shares ang post ni Beato.

Kuwento ni Beato, "na-touch" daw siya noong araw na iyon dahil kahit umuulan, pumunta pa rin si Laud sa kanilang lugar upang mamigay ng libreng taho.

"Kasi na-touch po ako na umuulan na pero nagtitinda ka pa rin noong araw na iyon," sabi ni Beato kay Laud sa radyo DZMM.

"Gusto ko lang po talaga sana na, sabi ko, siguro naman kung [may] makakakita nitong picture na 'to, matutulungan 'tong matandang 'to," dagdag ni Beato.

Isang halimbawa si Laud na hindi kailangang magarbo ang inireregalo sa iba basta ito ay taos-puso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.