VIRAL: Aso sa Cebu sumakay ng jeep para sundan ang amo

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 09:59 AM

 

Viral ngayon sa social media ang video ng isang aso sa Cebu City na sumakay ng jeep para sundan ang kaniyang amo.

Kuwento ni Nova Tapuyao, nangyari ito Biyernes ng umaga nang biglang sumakay ang aso sa may Capitol.

Pauwi mula sa trabaho ang kaniyang kapatid na babae nang makunan nito ng video ang aso.

Makikita sa video ang halong pagkatuwa at pagtataka ng ilang pasahero sa aso na nakadungaw sa bintana at tila may hinahanap.

Nang huminto ang jeep sa stoplight sa Guadalupe-Banawa intersection, nagulat na lang ang ilang sakay sa katabing multicab nang makita ang aso. Alaga pala nila ito na tila sinundan sila.

"Ali diri, naboang, dali," ani ng ginang habang kinukuha ang aso.

(Halika rito, kaloka, bilis.)

Umani ng maraming positibong reaksiyon ang ginawa ng aso na tila nagpakita ng kaniyang katalinuhan at pagmamahal sa amo. May ilan namang nagbiro na nakalimutan ng asong magbayad ng pamasahe.

May higit 450,000 views, 11,000 reactions at 13,000 shares na ang video na inupload ni Tapuyao sa Facebook nang maisulat ang ulat na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.