VIRAL: Pagtatalo ng tindero, ilang guwardiya sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2018 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-viral sa social media ang video ng pagtatalo ng ilang guwardiya at isang tindero ng mga envelope sa labas ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Aseana City, Parañaque.

Sa video na kuha ni Paul Vincent Cortez noong umaga ng Lunes, mapapanood ang ilang guwardiya ng ASEANA Holdings Inc. na kinakausap ang tinderong kinilalang si Eduardo Orellano.

Kinuha ng isa sa mga guwardiya ang mga paninda ni Orellano kaya nakipaghilahan ang tindero at sinabing magsusumbong pa sa mga pulis.

Namagitan naman ang isang guwardiya kay Orellano at sa kaniyang kasamahan hanggang sa pinabayaan na lang umalis ang tindero.

Kuwento ng uploader, may appointment siya sa DFA nang makita ang gulo.

"Parang parehong may mali kasi si kuyang vendor, ilang beses na ata siyang sinita doon," ani Cortez.

"'Yong tatlong guard, 'yong pag-treat nila kay kuya, hindi tama po, mali din po sila," dagdag niya.

Ayon kay Senior Superintendent Leon Rosete, hepe ng Parañaque police, marami nang naiulat sa kanila ang DFA na nagkalat na mga fixer sa lugar.

Ang ilan sa mga fixer ay nagpapanggap daw bilang mga tindero kaya naghigpit ng seguridad ang DFA at pinaaalis ang mga nagtitinda.

Pero, ayon kay Rosete, hindi naman daw kailangang umabot sa pagtatalo at hilahan.

Mas maigi umanong pagsabihan ang mga tindero o iulat sa mga pulis.

"Baka may mga ibang bagay pa na nagtulak sa ating mga security guard na gawin ang isang bagay na 'yon. Ganoon pa man, ito ay dapat gagawin nila sa isang mabuti at maayos na pamamaraan," ani Rosete.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng ASEANA Holdings Inc. pero tumanggi silang magpaunlak ng panayam. Maglalabas na lang daw sila ng statement o pahayag ukol sa insidente.

Kinumpiska nitong Huwebes ng Philippine National Police ang ilang baril ng mga guwardiyang nakuhanan sa video matapos malamang walang kaukulang papeles ang mga ito.

Nagkaayos na naman ang tindero at mga nakaalitang guwardiya kaya wala nang magsasampa ng kaso.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.