Nag-seizure na lion, isasailalim sa keto diet

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 01:01 PM | Updated as of Sep 19 2018 01:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Nasa isang controlled cage o service area na ng Manila Zoo ang 5-taong-gulang leon na si Rappee na nag-viral sa social media matapos umanong mag-seizure noong Linggo.

Patuloy na inoobserbahan ang lion at isinailalim na ito ng pamunuan ng Manila Zoo sa tinatawag na Ketogenic diet.

Ayon kay Dr. Patrick Domingo, officer in charge ng Zoological Division ng Manila Zoo, binigyan na nila ng mga supportive treatments si Rapee kabilang dito ang pagpapainom ng neuro drugs gaya ng B-complex at Neuro Vet.

Simula noong Linggo, hindi naman aniya naulit pa ang sinasabing "seizure" ni Rappee.

Sa katunayan, masigla naman ito at magana kumain.

Sa isang araw, nauubos ni Rappee ang 3 kilong manok at isang kilong baka.

Sa ngayon, wala pang findings ang Manila Zoo kung ano ang tunay na nangyari kay Rappee noong Linggo.

Aminado si Dr. Domingo na sumama ang loob nila sa netizen na nag-post ng video ni Rappee sa social media.

“Nagtatampo kami bakit hindi kaagad ipinaalam sa amin rather pinost kaagad sa Facebook. Kung talagang malinis ang kanilang intensiyon, nagmamalasakit talaga sa hayop dahil ang Facebook walang medical attention na maibibigay para sa hayop e,” sabi ni Dr. Domingo.

May pakiusap din si Dr. Domingo sa animal welfare groups na humihirit na isara na ang Manila Zoo.

“Kung pagmamalasakit talaga ang gusto nila, nandito na 'yang mga hayop na 'yan. Bakit hindi na lang sila makipag-ugnayan sa amin? Makipagtulungan tayo. Parehong pagod, parehong effort pero mas maganda ang magiging resulta,” aniya.

Hinikayat ni Dr. Domingo ang publiko o ang mga netizen na personal na bisitahin ang Manila Zoo at obserbahan ang mga alagang hayop dito bago magbigay ng negatibong komento sa social media.

Bukas ang Manila Zoo mula Lunes hanggang Linggo sa halagang P100 na entrance fee para sa mga hindi taga-Maynila at P50 lamang para sa lahat ng residente ng Maynila.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.