Babae, nanganak sa kotse matapos ma-trapik sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 04:43 PM | Updated as of Sep 04 2018 10:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Isang babae ang nanganak sa loob ng kanilang sasakyan matapos na ma-trapik sa EDSA habang papunta sa ospital noong Setyembre 1, 2018.

"Nasa EDSA po kami nagsta-start na po talaga 'yung sobrang sakit. Nag-u turn na kami sa EDSA, pag right turn po ng Kamuning Road naka-crowning na po siya," kwento ni Cheoui De Leon sa Good Vibes sa DZMM Martes ng hapon.

Ligtas na at kauuwi lang sa bahay nina De Leon, kabiyak na si Luis Bernabe at bagong silang na si Sabrina.

"Ok naman po kami, parang walang nangyari. Normal delivery. For me, parang nakatulong din 'yung ganung situation kasi mabilis ko siyang nailabas. Nakatipid din kami sa hospital kasi walang labor room fee," sabi ni De Leon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bago manganak, nakapag-host pa ng sariling baby shower si De Leon pero pinakikiramdaman na niya ang contractions. Kaya bilib din ang marami dahil fresh na fresh ang hitsura niya matapos manganak.

"Nag-host po kasi kami ng baby shower so nag-ayos po ako hindi ko po ini-expect na magde-deliver ako later on," kwento ni De Leon.

Bilib naman si De Leon sa kabiyak dahil sa ipinakita nitong pagka-kalmado sa panahong nanganganak na siya sa kotse.

"Sabi ko 'Love, ayan na nagka-crowning na ako, masakit na talaga'. Sabi niya wait, malapit na tayo. kalmado lang siya. Sobrang bilib din ako sa kaniya," sabi ni De Leon.

Para kay Bernabe, pagpapanggap lang ang pagiging kalmado niya para hindi makadagdag pa sa stress. 

"Sobrang stressful. Medyo nagsisisigaw na siya sa kotse nun. Kunwari lang kalmado pero marami nang tumatakbo sa isip ko," kuwento naman ni Bernabe. 

Laking pasalamat din niya sa training na nakuha habang nag-aaral bilang nurse.

Hindi naman ganun kalayo ang ospital na pinili nilang manganak mula sa kanilang bahay.

"Sobrang traffic talaga. Hindi ko na kinaya at hindi rin nakapaghintay 'yung baby so siya ang lumabas ng mag-isa," sabi ni De Leon.

Nang maitabi na ang sasakyan sa ospital, si Bernabe na ang sumalo sa kanilang baby.

"After nang masalo ko 'yung baby, tinawag na po nila 'yung medical staff at sila na po nag-handle from there," ani Bernabe.

Laking aral sa dalawa ang naging karanasan nila.

Kaya payo ni De Leon na laging maging handa.

"Mag-anticipate ng traffic. Make time sa lahat ng mga kailangan pag malapit nang manganak," sabi ni De Leon.

Dagdag ni Bernabe, "In case of emergency, dapat po laging compose kahit na under pressure na, kahit sobrang daming tumatakbo sa isip mo."

Sa kabila nito, tuwang-tuwa silang nadagdagan na ang pamilya. 

"Paulit-ulit ko pong ikukuwento sa kaniya ang pinagdaanan namin. Dapat i-value niya ang future niya na maging successful at mag-ingat lagi," sabi ni De Leon.

Samantala, may katulad na kwento ring ibinahagi si Niña Corpuz sa programang Good Vibes.

Ayon sa kaniya, ang asawa niya ang nakaranas na makapaghatid ng mag-asawa sa ospital.

"Nilapitan siya ng mag-asawa sabi 'Manganganak na asawa ko. Pwede ba kaming maki-hitch sa'yo,'" kwento ni Corpuz.

Naihatid naman umano ng kaniyang mister ang mag-asawa sa ospital.

"Alam mo bang habang nagda-drive 'yung asawa ko, nanganak sa kotse niya 'yung babae," sabi niya.

Kahit matagal nang nangyari ang insidente, hindi umano ito malilimutan ng kaniyang asawa.

"Unforgettable experience. 'Yung car niya punong-puno ng dugo so kailangan niyang ipalinis. Pero it's great. Natuwa siya na nakatulong siya sa mag-asawa at swerte daw 'yung pag nanganak sa kotse mo," dagdag ni Corpuz.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.