7 lalaki sa viral 'pot session' video, kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 04:17 PM | Updated as of Sep 07 2018 06:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinampahan nitong Miyerkoles ng Philippine National Police (PNP) ng patong-patong na reklamo ang mga lalaking tampok sa viral video na nagpa-pot session at minumura si Pangulong Rodrigo Duterte.

Naunang sumuko sa Malabon police noong Martes ang anim na lalaki sa video pero sumuko na rin nitong madaling araw ng Miyerkoles ang natitira nilang kasamahan.

Nahaharap ang pito sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at unjust vexation.

Nagpositibo naman umano sa drug test ang ilan sa grupo pero nilinaw ng PNP na isasalang pa sila sa confirmatory test.

Ayon sa grupo, dalawang buwan na mula nang huli silang gumamit ng marijuana.

Ayon din sa isa sa mga lalaki na si alyas "Steve," na-hack ang kanilang group chat kaya kumalat ang video.

Sa video, na kuha noon pang 2016, mapapanood ang mga lalaki na nagsisindi ng isang tubo at ibinabandera ang isang supot na may laman umanong marijuana. May ibang eksena rin na binubugahan nila ng usok ang kamera.

Bukod sa pagmumura kay Duterte, maririnig din sila sa video na hinihimok ang pangulo na gawing legal ang marijuana.

Nakatikim din ang grupo ng sermon noong gabi ng Martes mula kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar dahil sa paggamit ng droga at pagmumura sa pangulo.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.